Kung meron mang imbensyon na maganda sana pero naging masama ang epekto, walang iba kundi ang videoke. Bakit kamo? Dahil sa kantahan ay nagkakaroon ng hapi-hapi. Nagiging bonding ng magkakaibigan, magkakapamilya at magkaka-inuman na mahilig sa kantahan. Kapag sinabing musika ito ay nagsisilbing daluyan ng emosyon. Kaya naman maaaring magsaya at kumakanta ng tipong Dancing Queen o di kaya naman ay Let’s Get Loud. Siyempre, hindi mawawala ang mga emo habang kumakanta. Yun bang tipong ngumungoy na. Sa buka ng letra ng bibig ay may mga alaalang nakatago na sa pamamagitan ng kanta ay binubuhay kahit sa isip lang.
Pero putsa naman dahil sa videoke na yan ay maraming bahay at buhay na nabulabog. Wala na kasing oras na pinipili. Puwedeng maagang-maaga pa lang makakarinig ka na nang ngunamangawa. Yun bang tipong ito ang gumigising sa iyo. Haist. Saka kung kailan oras ng pamamahinga ay ‘yun ang oras na gustong mag-ingay ng iba. Gusto mo na sanang matulog hayan at panay kantahan ng mga buwisit mong kapitbahay. Kung hindi nagsasalitan ay nagkakasabay-sabay pa. Aba’y bakit di na lang mag-organisa ng singing contest? Mga nagkakasapawan na, e.
Sari-saring kanta ang naririnig mo, andyan ‘yung mga classic na tipong Tom Jones, Frank Sinatra, Matt Monroe at iba. Meron din na ang paboritong kantahin ay ‘yung mga double meaning gaya ng “Nilunok Ko Ang Lahat” at “Sisisirin Mo”. Depende na rin siguro kung saang henerasyon nabibilang ay ‘yun ang paboritong kantahin. May iba’t ibang rason din kung bakit ‘yun ang kinakanta. Maaaring ito lang ang alam na tono. Maaaring team song nila ng alaga nilang pusa o aso. Basta ang kanta ay makahulugan, binabalahura nga lang ng iba. Feeling mo tuloy ay parang gusto mong sisihin kung sino man ang nag-imbento ng videoke. Hinihiling mo na sana ay hindi ito naging affordable sa masa. Para pailan-ilan lang ang may videoke sa bahay nila. Hinihiling mo rin na sana ay magkaroon ng batas na nagbabawal sa pagkakaroon ng videoke sa matataong lugar. Para naman hindi nabubulabog ang iyong katahimikan.
Ang videoke ay dapat lang sa mga videoke bar na ang mga kumakanta ay mga G.R.O. at ang mga parukyano nila na malilikot ang mga kamay. Dapat ang videoke ay nasa loob lang ng karaoke room para kayo lang ng kasama mo ang magkakarinigan. Puwede mo pa itong i-record tapos patutugin mo ng malakas pag-uwi n’yo. Ang videoke dapat ay nakapuwesto sa maiingay na lugar gaya ng palengke para masapawan ng ibang ingay. Hindi mo ganung mapapansin na may kumakanta pala. Ang videoke dapat ay nasa loob ng sementeryo para walang mabulabog na mga buhay. Ay, oo nga pala kahit sementeryo ay ginagawa ng tirahan ng mga tao ngayon.
Pero kahit naman mawala ang videoke, hindi matitigil ang kantahan. Alam mo naman ang mga Pinoy pahawakin mo ng mikropono at siguradong kakanta na ‘yan. Babalik na lang siguro tayo sa pagkanta kung saan ay mayroon tayong gitarista. Gitarista nga lang ang laging bida kapag ganun. Baka mapagkamalan pang manghaharana dahil may dalang acoustic guitar. Kung hindi naman ay maririndi ka sa nakabibinging tugtugan. Buti sana kung ang tugtog ay pang-punebre na mellow lang. Eh, ‘di para kang idinuduyan sa kabaong nun.
Tandaan, hindi kumpleto ang kasiyahan kung walang kantahan. Kahit yung simpleng dahilan lang na wala kasing magawa. Kahit ikaw may mga sandali na bigla ka na lang napapakanta. Pero malayo naman sa kanila na ipinangangalandakan ang boses nila. Parang sa mga mall na open sa lahat ang pagkanta. Antimano may audience na agad. Malay nga naman natin ay may makadiskubre at bigla na lang maging internet sensation. Pero dahil open sa lahat ay may mga umeepal na out from nowhere ay nagkakalat na nga todo bigay pa. Kinarir? Para tuloy gusto mo tuloy mangantyaw at paalisin ang epal. Pero siyempre, hindi mo kayang gawin yun dahil apektado ka naman masyado.
Kung magpapakaasar nang husto ay lalabas pa na KJ ka. Sino ba naman kasi ang nagsabi na bigyan mo sila ng atensyon. Kunwari ay wala kang naririnig tulad ng ginagawa mo kapag sinisermunan ka ng titser mo o ng iyong nanay. Pero wala ka naman kasing magagawa dahil kahit magtakip pa ng tainga ay manunuot pa rin ito sa kalooban-looban mo. Baka nga ma-last song syndrome ka pa sa kinakanta ng iyong kapitbahay na may kakaibang bersiyon. Ayaw mo nun lumalabas pa ang kanilang pagiging creative dahil ang matinong kanta ay nagagawa nila ng bagong timpla. Yun nga lang hindi mo trip ang lasa dahil tipong nakakasuka.
Mabuti pa sigurong batuhin mo ang bubong ng bahay nila. Ewan ko na lang kung hindi pa magsisipagtigil yan sa pagkanta. Ingat nga lang at baka may makakita sa iyo at ikanta ka na ikaw ang sumabotahe sa concert ng mga kontra-diva. Hindi ko naman sinasabing ang mga marurunong lang kumanta ang may karapatang kumanta. Siyempre, nasa demokratikong bansa tayo kaya kahit sino ay puwedeng kumanta. Kahit sabihin pa na hindi naman kanta ang ginagawa. Hindi rin naman puwedeng sabihin na tumutula lang. Dahil ang pagtula ay isang uri ng sining at magandang pakinggan dahil may ritmo. E, ang iba para lang kung hindi lasing ay para lang naaaning. Habang naiinis ka hayan at ang saya-saya pa nila. So, ang tanong bakit hindi ka makisama sa kanila. Isubo mo ang mic sa kanila isa-isa. Huwag naman, masyadong brutal ang ganun. Makising-along ka na lang kung kaya ng powers mo. Pero siguraduhin mo lang din na hindi ka nila kagaya kapag kumanta.
Gustung-gusto kasi ng iba sa atin na ipinaglalakasan pa ang volume ng videoke. Kung ano ang lakas ng background music ay mas malakas pa ang kanilang atungal, pagkanta pala. Ipinaparinig pa nila sa buong looban o buong barangay. Ni hindi man lang naiisip na marami na ang sumasakit ang ulo at nagdurugo ang tainga. Pakiusap naman kung nakakainis pakinggan ang boses ay mabuting maglip sync na lang para di maaaburido ang mga makakarinig. Kung hindi naman ay magbalik-loob na lang sa banyo. Buong-buo pa ang dating ng boses dahil nakakulob. Pero kung hindi naman nahihiya at sanay na sa mga negatibong komento ay walang problema. ‘Ika nga, hayaan silang mamubrelema.
Kung hindi mapigilan ang pagkanta ay puwede namang hinaan ang volume ng videoke kasabay ng paghina ng boses. Pero siyempre mahirap ang ganun para saan pa ang mic kung mistulang bumubulong ka lang. Para namang gago kapag ganun. Baka mas gusto mo pang kausapin na lang ang sarili kaysa kumanta ng walang ibang nakaririnig. Para saan pa ang hilig sa pagkanta?
Ang videooke nga naman ay isang malaking biro. Minsan ay nakatutuwa at minsan naman ay nakakapikon. Pero kahit ano pa siguro ang isulat ko ay hindi magbabago ang takbo ng mundo. Marami pa ring hahawak ng mikropono. Umaasang kahit paano ay mapalapakan mo...
No comments:
Post a Comment