Friday, October 17, 2014

An Open Letter to All Balasubas Jeepney and Konduktor Out There


   Walanghiya rin naman ‘yung konduktor na nasakyan ko na biyaheng Antipolo-Cubao. Sobra ang kahambugan ng taong ito. Gaya nang nakagawian na nila, ang sampuan ginagawang labing-isahan. Nakakaawa ‘yung isang babae na parang basura na pilit isiniksik. Halos malaglag na sa pagkakaupo. Nawalang saysay tuloy ang byuti niya. Sa kalagitnaan ng biyahe ay may isang bumaba kaya’t lumipat sa kabilang upuan ang babae. Mas makakaupo kasi siya roon. Nagpapasok ng sabit ang konduktor sa ¼ na puwet lang ang kasya. Kahit ano’ng usog ng mga pasahero ay walang mausugan. Kaya’t ang ginawa ng sabit na uupo sana ay bumalik na lang sa pagkakasabit.
    Sabi ng konduktor sa malakas na boses, “Walang pandikit ang upuan namin!” Nakuha pang matawa ng isang babae gayung nakakaasar nga ang konduktor. Baka akala niya nagdyu-joke lang ito. Panay bulong ng konduktor na animo’y natalo sa sakla. Maya-maya ay bumanat na naman ito at pasigaw niyang sinabi sa kanyang drayber na, “Sige, isagad mo ang preno...Ewan ko na lang kung di masalansan ang mga ‘yan sa unahan!” Nagpantig ang tainga ko sa narinig ko, biglang uminit ang ulo ko. Aba’y napakabastos ng isang ito, ah. Siyempre, may isang nag-react sa baliw na konduktor. Hindi na raw ito naawa sa babae eh muntik nang mahulog sa upuan. Saka wala na naman talagang uusugan. Tapos may mga sakay pang bata.
   Bumanat na naman ang gagong konduktor, “Dun kayo sa taxi sumakay kung ayaw n’yong masiksik!” Nayayamot lalo ang ale sumagot ito, pero mahinahon lang naman ang kanyang boses. Huwag daw silang ganyan. Alam naman nila na naghahapbuhay sila. Pero hindi tama ang ginagawang ito ng konduktor. Panay mura pa ng konduktor, “Putang ina puro malapit ang pasahero”. Nung bababa na ako, kung makapag-utos ang konduktor ng ‘bilis, bilis’ ay akala mo kung sino. Na para bang platoon leader ang nag-uutos. Kung di lang ako nakapagpigil ay makakaltukan ko ang isang ito. Kapayat na lalake, kung makaasta akala mo ay tigasin sa kanto.
    Hindi lang ito ang konduktor ang bastos sa mga pasahero. Meron din akong nasakyan na kapareho lang din nila ang biyahe. Mag-asawa ang drayber at ang kanyang konduktura. Katabi ng drayber ang kanyang labidabs. Kung makapagsalita ang babae ay daig pa si Matutenao Vangie Balan sa tinis ng boses. Pero malaki ito o matabang babae. Kung makipag-usap ay parating pagalit. May nagbayad sa kanya at humingi pa ng dagdag gayung ‘yun naman talaga ang pamasahe. Ibig sabihin, sobra kung maningil kaya’t sa buwisit ay bumaba na lang ang pasahero. Nakababa na ang babae ay putak pa rin ng putak ang babae na suportado naman ng drayber. Naninigaw din ito ng mga sumasabit sa dyip gayung puwede naman nila itong sabihin nang maayos. Baka naman mainit lang ang ulo ng mag-asawang ‘yun ng araw na ‘yun. Pero hindi eh, ilang beses ko na rin silang nasakyan.
    Tutal kabalbalan na lang ang pinag-uusapan, sabihin ko na rin ‘yung naging ugali na ng mga drayber na mag-cutting trip. Ginagawa nila ito para madagdagan ang kanilang kita. Nagmamadali ka pa naman tapos aabalahin ka nila sa pamamagitan ng pagpapalipat sa ibang sasakyan. Nagpipresinta pa babayaran ang pamasahe ng mga pasahero. Pero may mga pagkakataon na bigla silang humaharurot nang di pa binibigay ang pamasahe mo. Wala kang magagawa kundi ang magkamot na lang ng ulo.   


    Gaya nang nasabi ng ale, na hindi dahilan na naghahanapbuhay lang ang mga konduktor at drayber kaya umaasta sila ng ganito. Ano’ng sumakay sa taxi? Kung ganito sila, dapat ay di na rin sila bumibiyahe pa, di ba? Bakit ang init ng ulo nila ay ibinabaling nila sa pasahero? Nangangatuwiran sila na kaya nila pinagsisikan ang mga pasahero at kung bakit sila nagka-cutting trip ay dahil mahal na raw ang gas?  Alam naman nilang nakakainis na sila. Parang ‘yung ikinakatuwiran din ng mga gumagawa ng iligal ay dahil na rin daw sa hirap ng buhay. Kung magiging ganito ang katuwiran nating lahat sigurado na wala nang magiging kaayusan sa ating lipunan. Kaya sa mga balasubas na jeepney driver at konduktor, pumatas naman  kayo, yow!

No comments:

Post a Comment