Iba-iba ang tawag sa mga sindikato na nag-uoperate sa bansa. Halimbawa, kapag ang modus ay may ipinapainom sa biktima ay natutulog ito at ninanakawan tinatawag itong ‘Atiban Gang.’ Kadalasan itong nangyayari sa mga motel. Ang atiban ay isang uri ng gamot na pampatulog kaya tinawag itong ganito. Pero paano kung ibang gamot naman ang ginamit?
Martilyo Gang naman ang tawag kapag ang modus ay manghuholdup tapos pupukpukin ng martilyo ng mga kriminal ang eskparate ng kanilang mga biktima. Pangit naman kasi kung Pokpok Gang ang itawag sa ganito dahil alam naman natin na iba na ang magiging kahulugan nito. Karaniwang isinasagawa sa mga tindahan ng alahas. Mabilis nga naman nilang maisasagawa ang kanilang pakay. Kapag sa mall ang operasyon ay dun na lang sila bibili ng martilyo. Kapag malalaking tipak ng bato ang ipapasok nila sa mall malamang na hindi sila papapasukin ng guwardiya.
Laglag Barya Gang naman ang tawag kapag ang modus ay may nilalag na barya para makuha ang iyong atensyon. Siyempre, likas na sa atin ang pagiging mabait kaya sasabihin natin ito sa nalalaglagan ng barya, “Boss, piso mo nahulog.” Pero di nito alam na may nandurukot na sa kanya. Hindi naman sila puwedeng tawagin na ‘Jose Rizal Gang’, ‘Emilio Aguinaldo Gang’ o Mabini Gang’. Unang-una, iba-ibang barya ang ginagamit nila. Maaaring ito ay piso, limampiso o sampung piso. Saka kapag ipinangalan pa sa partikular na bayani ay magiging kabastusan ito sa ating ating soberenya? Bakit kaya barya ang inihuhulog at hindi papel. Hindi kasi ito kumakalansing kaya’t di agad makakakuha ng atensyon. Ows, sige subukan mong maghulog ng isang libong piso ewan ko na lang kung may magtuturo pa rin. Baka imbes na makadale ay mawawalan pa sila.
Ang salisi Gang naman, obvious sa pangalan pa lang alam mo na agad kung ano ang modus nila. Para silang mga palekero at palekera na malingat ka lang ay may kababalaghan nang ginagawa. Tamang-tama pala ang salisi dahil katunog ng kulasisi.
Tinatawag namang Gapos Gang kapag ang modus ay nanggagapos ng kanilang mga biktima matapos nilang holdapin o nakawan. Pangit naman kung ang itatawag sa kanila ay Lubid Gang dahil para silang magbibigti o magsasampay lang. Palagay ko, ang kamag-anak nila ang mga Akyat-Bahay Gang na ang trip ay pumasok sa bahay ng may bahay. Kaya siguro tinawag na Akyat-Bahay ay dahil sa bintana sila dumadaan o kaya sa may hagdan. Paano kung wala namang hagdan dahil walang second floor ang bahay? Hindi rin sa bintana dumaan kundi sa mismong pintuan. Akma pa rin ba ang tawag sa kanila? Bakit hindi na langPasok-Bahay Gang o Limas-Bahay Gang dahil nanlilimas sila ng gamit nang may gamit. Pero mukha rin pangit kapag Limas Gang dahil para lang silang maglilimas ng tubig-baha.
‘Yung Dugu-Dugo Gang naman kaya tinawag na ganun ay dahil tumatawag sila sa mga naiwan na bahay at saka ibabalita nito na nabunggo raw si ganito. Nasa ospital daw ang kasama at kailangang maoperahan at kailangan ng pambayad. Ang tinawagan naman ay naniniwala kaya ang gagawin nga ay makikipagkita sa tumawag saka ibibigay nito ang pera. Pero okay kaya ang tawag sa kanila na Dugu-Dugo? Para lang kasi silang nagtitinda ng dinuguan o inihaw na dugo ng baboy. Dapat sa mga Dugu-dugo Gang ay pinapadugo ang ilong, eh. Mga loko kasi. Ano kaya ang masasabi ng Red Cross sa mga ito? Imbes kasi na magsipag-donate ng dugo ay ginagamit pa ang dugo para makapambiktima. Tsk, tsk.
Buti pa ang mga Budul-Budol Gang medyo naiiba ang pangalan. Ano pa nga ba, sila ‘yung mga manloloko na papahawakin ka kunwari ng makapal na pera kapalit ng mahalagang bagay na nasa iyo. Para magtiwala ka ay ibibigay sa iyo kunwari ang tumpok ng tae, salapi pala. Sabay sisibat na lang bigla saka mo malalaman na naguyo ka pala. Ayan kasi nasilaw sa malaking pera kuno. Hmm, budul-budol, katunog ng bundol, lindol at saka ‘yung mabahong tubol.
Ngayon, marami pang sindikato ang naglilitawan. Kung walang pangalan ang kanilang grupo malamang na may ibabansag sa kanila ang mga pulis at ang mga kagawa ng media. Siyempre, ibabase nila ito kung ano ang kanilang modus operandi. Kaya sa mga sindikato, sana naman kung mambibiktima kayo ay magpakilala naman kayo para may trademark. Hindi ‘yung kung anu-ano na lang ang ibabansag sa grupo n’yo. Ayaw n’yo ‘yun sisikat pa ang grupo n’yo? Iniisip pa tuloy ng iba na pare-pareho lang kayo ng grupo kahit iba-iba naman ang tumira.
No comments:
Post a Comment