Wednesday, November 19, 2014

I Love You, Idol!

  Idol. Maraming mga tao ang gumagamit na nito. Sa mga talent show na nga lang, may American Idol at kung anu-ano pang idol. Sa mga pulitiko, laging isinusunod ang kanilang mga pangalan sa salitang ito. Bukod sa kanila ay marami pa ang gustong maging idol.

    Bakit nga ba natin iniidolo ang isang tao gayung kauri lang din naman natin sila? Pare-pareho lang tayong nabubuhay at mamamatay. Pare-pareho lang ding dumudumi at iisa ang amoy ng utot, ‘íka nga ng ilan. Wala namang masama sa pag-idolo basta huwag lang sobra dahil nagmimistula na ito’ng isang panatismo. Lalabas na dios-diosan na ang  turing sa iyong kapwa tao dahil parang sinasamba mo na.


    Maaring iniidolo natin sila dahil mas matalino, mas talentado o mas mayaman sila sa atin. Sa maikling salita, mas superior sila kaysa sa atin. At ang mga nasa baba nila ay inferior. WTF! Paano kung ang lahat ng tao ay nabigyan ng pagkakataon na umasenso o maging mayaman? Malamang wala ring tumitingila sa kapwa nila mayaman. Maliban na lang kung mas mayaman sila. Pero tandaang hindi naman porke’t mayaman ay idolo na ang magiging turing sa iyo. Maaaring magkaroon ka ng pakiramdam na mas nakahihigit ka sa iba. Pero hindi nangangahulugan na igagagalang ka na ng lahat. Maaaring igalang ka kapag kaharap ka nila pero pagtalikod mo ay minumura-mura ka lang ng iba. Ang pagiging kupal at hindi kupal na rin ang magdi-determina kung karapat-dapat ka nga ba sa paghanga ng iba. Baka yumaman lang dahil sa galing magmonopolyo at hindi dahil sa kahanga-hangang paraan. 
  
    Kung talino naman ang pag-uusapan, nakakabilib talaga ang mga taong may taglay na katalinuhan. Pero hindi lahat ng katalinuhan ay mabuti dahil merong din talinong ginagamit sa katarantaduhan. Katulad ng ilang pulitiko natin na ang talino ay ginagamit sa korapsyon. Pero huwag masyadong pakabilib sa matatalino dahil maaari nila tayong maisahan. Hindi lahat ng pagpapasya ay dapat na iasa sa kanila. Dahil naniniwala ako na lahat tayo ay may kakayahang mag-isip para sa sarili natin. Ang buhay sa mundo naman ay hindi pataasan ng IQ at paramihan ng nalalaman. Dahil wala namang tao sa mundo na nalalaman ang lahat ng bagay. Kanya-kanya lamang tayo ng espelisasyon. May alam ako na hindi mo alam o alam mo na hindi ko alam. Ano ba ‘yun?
                        
                             Philippine Idol April Boy Regino

    Siyempre, hindi mawawala na kaya tayo humahanga sa kapwa tao natin ay dahil sa mas maganda o guwapo sila sa atin. Natural na lang ito dahil iba talaga ang pang-halina ng mga may kaayang-ayang hitsura kaysa wala. Pero sabi nga, lahat naman ng tao ay may hitsura. Ýung iba nga lang ay ‘di mo maintindihan ang hitsura. Pero para sa mga nanay, walang pangit na anak lahat ‘yan ay guwapo at magaganda. Kapag nagsabi kasi ng pangit e ‘di parang pinintasan na rin nila ang kanilang mga sarili. Mas prayoridad ng lipunan ang may hitsura. Mas madaling matanggap sa trabaho ang may hitsura. Mas madaling makagaanan ng loob ang may hitsura. Mas madaling makakuha ng mangingibig ang may hitsura. At ang walang hitsura ay madalas na ma-itsapuwera!
  Kaya naman ang iba sa atin ay nagkandarapa sa pagsunod sa idolo nilang artista. Kulang na lang manghalik ng puwet dahil sa sobrang paghanga. Lahat ng palabas ng mga artista, mapa-pelikula man o telebisyon ay talaga namang tinututukan. Pasalamat na lang ang mga artista dahil mayroong mga tagahangang kagaya nila dahil kung hindi ay wala rin silang hanapbuhay. Kay sarap namang trabaho kumikita ka na tapos bidang-bida ka pa.

     Ayos lang siguro ‎‎yun dahil may pakinabang naman sila. Ang magbigay-aliw sa mga tao. Lalo na ngayon na samu’t sari ang ating mga problema. Panoorin lang natin sila ay malilibang na tayo. Kaya dapat pala paramihin pang lalo ang mga programa sa telebisyon na nagtatatampok ng mga artistang kumakanta at sumasayaw. Para naman magising tayo isang umaga na wala na tayong problema. Dahil lahat ng ating atensyon ay nasa kanila na. Pero tandaan na bawas-bawasan ang pag-idolo sa mga celebrity dahil baka mauwi pa ito sa obsesyon. Maging stalker ka pa ng wala sa oras. Kung hindi naman ay sumunod ka sa kasabihang ‘Kill your idol’. Katulad ng ginawa ng isang tagahanga ni John Lennon na binaril siya dahil sa sobrang paghanga.

    Paano kung ang lahat ng tao ay ipinanganak na pare-parehong maganda ? May pangit pa ba na hahanga sa mga may magagandang mukha ? Gayung hindi naman kayo nagkakalayo ng hitsura. Ang itinuturing nating namumukod-tangi ay magiging pangkaraniwan na lang. Hindi na attractive sa atin ang may mapuputing kulay gaya ng mga kaibigan nating mga Amerikano, Briton at iba pa. Karaniwan lang sila sa bansa nila pero pagdating dito sa atin ang iba ay nagiging modelo at artista pa. Malakas din ang dating sa atin ng mga may halong dugo. Half Pinoy/half Pinay? Hindi na rin mabibighani ang puti sa mga Pinay na may kayumangging kulay. Hay, natural alng yata sa atin na kung ano ang wala ay  ‘yun ang hinahanap o inaasam natin.

    Mabuti pa siguro na ang sarili na lang natin mismo ang maging idol. Tutal naman marami ang mga taong bilib na bilib sa sarili. Paano mga idol, babayu!

No comments:

Post a Comment